Suporta para sa mga komunidad sa ilalim ng ECMP, tiniyak ni SHFC President Laxa sa kanyang pagbisita sa Pampanga
Published on 11 Aug 2025
Mainit na tinanggap ng Pinag-isang Magkakapitbahay ng Miranda Compound Phases 1 and 2 si Social Housing Finance Corporation (SHFC) President and CEO Federico Laxa sa kanyang pagbisita sa kanilang komunidad ngayong araw sa Brgy. Maimpis, City of San Fernando, Pampanga.
Sa nasabing pagbisita, personal niyang kinumusta ang kalagayan ng mga residente at tinalakay ang mga susunod na hakbang upang matiyak ang kasiguruhan ng kanilang paninirahan sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP).
Ang ECMP ay tugon ng ahensya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling na tutukan ang mga proyektong pabahay para sa mga mahihirap sa ilalim ng pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Halos 1,000 pamilya na ang makikinabang mula sa limang ECMP projects na naaprubahan ng SHFC kamakailan. Kabilang sa mga ito ang halos 400 pamilya na binisita ni Laxa at ilang opisyal ng ahensya kanina, kabilang sina Corporate Planning and Communications Vice President Florencio Carandang, Jr. at Central Luzon 4PH Head Prandy Vergara.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga miyembro, lalo na nang ianunsyo ni President Laxa na tutulungan ng SHFC na maisaayos ang kalsada at drainage sa komunidad. Hindi rin maitago ang kanilang saya nang ibalita niya na bibigyan sila ng tulong upang magkaroon ng livelihood at skills training para sa kanilang economic empowerment.
Ibinahagi rin ni President Laxa na maaaring isama sa kanilang loan ang individualization ng kanilang titulo upang mas mapabilis at mas gumaan ang kanilang gastusin sa pag-aayos nito.
Bukod sa Pinag-isang Magkakapitbahay ng Miranda Compound, binisita rin ni Laxa ang Coronado Ville Homeowners’ Association Phase 1, isang off-site community sa Brgy. Camias sa bayan ng Magalang. Doon, pinulong niya ang mga opisyal ng asosasyon upang alamin ang estado ng kanilang pamumuhay at talakayin ang mga isyung kinahaharap ng komunidad.
Nagsagawa rin ng inspeksyon si President Laxa sa Crystal Peak Estates sa Brgy. Del Carmen para sa nalalapit na turnover sa mga benepisyaryo ngayong Agosto.
#SHFC #ECMP #4PHx #KaagapayNgKomunidad #CMPat37 #PambansangPabahay