ICHOAI, nakalipat na sa kanilang bagong tahanan sa Rizal
Published on 17 November 2024
Humigit-kumulang 200 miyembro-benepisyaryo ng Intramuros Community Homeowners’ Association, Inc. (ICHOAI) ang nakalipat na sa kanilang bagong tahanan sa Sitio Tukip, Barangay Lagundi, Morong, Rizal, nitong Sabado.
Isinagawa ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang relocation at groundbreaking ceremony ng multi-purpose hall at talipapa sa pamumuno ni Resettlement Management Group Vice President Philip Robert Flores bilang kinatawan ni SHFC President and CEO Federico Laxa.
Kabilang sa mga kawani ng gobyerno ang nakiisa sa seremonya at nagbahagi ng kanilang mensahe sina Department of Human Settlements and Urban Development Assistant Secretary Hanica Rachael Ong, SHFC Board of Director Ronald Barcena, Intramuros Administration Administrator Atty. Joan Padilla, Department of Tourism Undersecretary Ferdinand Jumapao, Municipality of Morong Councilor Leonardo Pantaleon at Provincial President ng Rizal Edmund Aquino.
Pinasalamatan ni ICHOAI President Edgar Salvedia ang lahat ng ahensiyang tumulong upang maisakatuparan ang kanilang mithiing makalipat na sa kanilang tahanan bago ang kapaskuhan. Ang ICHOAI ay isang proyektong pabahay ng SHFC na binubuo ng 470 na mga miyembro-benepisyaryo.