Limang posibleng ECMP projects, sinuri ng CMP Task Force
Published on 4 Aug 2025
Tuluy-tuloy ang pagtutok ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) sa pagpapatupad ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP)—ang pangunahing tugon ng ahensya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling na tiyakin ang pagsusulong ng mga programang pabahay para sa mga mahihirap sa ilalim ng pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Pinangunahan ni President at CEO Federico Laxa ang panibagong sesyon ng CMP Task Force ngayong araw sa opisina ng SHFC sa Makati para sa masusing review at evaluation ng mga posibleng iaprubang ECMP projects.
Tinalakay sa pagpupulong na dinaluhan nina Support Cluster Senior Vice President Atty. Leo Deocampo, Resettlement Services Group Vice President Bob Flores, 4PH Central Luzon Head Prandy Vergara, at Regional Engineers and Architects Group Manager Emmanuel Driz, Jr ang mga detalye ng mga proyektong isinusulong.
Ang limang proyektong isinailalim sa pagsusuri ay mula sa Isabela, Daet, Albay, at Palawan — patunay na buong bansa ang saklaw ng ECMP sa paghahatid ng abot-kayang pabahay para sa lahat, lalo na sa mga mahihirap.
Kabilang sa mga ni-review ang background ng mga asosasyon at ang kondisyon ng mga komunidad. Inalam din ang kalagayan ng mga kalsada, drainage system, at iba pang pasilidad upang tiyakin ang kalagayan ng mga pamilyang kasalukuyang naninirahan sa lugar.
“Tuluy-tuloy ang ating trabaho para mas mapabilis nating mai-award ang mga lote sa mga pamilya upang magkaroon sila ng seguridad sa paninirahan,” ani Laxa. “Gagabayan din natin ang mga komunidad hindi lamang sa lot acquisition, kundi pati sa tuluyang pag-angat ng antas ng kanilang pamumuhay.”
Nito lamang Huwebes ay inaprubahan ng SHFC ang apat na ECMP projects mula sa Pasig City, Valenzuela City, at San Fernando City (Pampanga) na magbibigay ng security of tenure sa mahigit 800 pamilya. Ito ay isa sa mga inisyatibo sa pagsisimula sa pagdiriwang ng ika-37 anibersaryo ng CMP na may temang “Kaagapay ng Komunidad: Mula Noon, Hanggang Ngayon.”
#SHFC #CMP37 #ECMP #BuildingLives #TransformingCommunities #PambansangPabahay #4PH