SHFC, nagsagawa ng pag sasanay sa Basic Gender Sensitivity sa Taguig City
Published on 25 March 2025
Nagsagawa ang Gender and Development Unit (GAD) ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) ng Basic Gender Sensitivity Training sa 10 homeowners’ associations mula sa Taguig City noong Marso 22 sa Lakeshore Hall.
Dinaluhan ng 150 babae at 68 lalaki miyembro-benepisyaryo ang nasabing pagsasanay na pinangasiwaan ni SHFC Internal GAD Resource Person Margeline Kate Moncada. Layunin nito na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga kababaihan at kalalakihan na matugunan ang mga isyung pangkasarian at maisulong ang pagkakapantay-pantay ng kasarian sa kanilang mga komunidad.
Hangarin din nitong palawakin ang kamalayan tungkol sa GAD at ipakita ang mahalagang papel nito sa pagtataguyod ng inklusibo at maunlad na pamayanan. Pinalakas ang kakayahan ng mga kalahok upang maisama ang mga prinsipyo ng GAD sa kanilang pamumuno, mga patakaran, at mga programang pangkaunlaran ng komunidad.
Kabilang sa mga dumalo sina SHFC Insurance and Community Enhancement Department Manager Cezar Macaspac at NCR South Manager Ofelia Nisperos. Ang training ay kabilang sa serye ng mga aktbidad para sa selebrasyon ng 2025 National Women’s Month.