Mahigit 50 Miyembro-Benepisyaryo mula sa Maynila at Caloocan, titulado ngayong Pasko
Published on 20 December 2024
Pormal nang iginawad ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) ang Transfer Certificates of Title sa mahigit 50 miyembro-benepisyaryo mula sa mga komunidad sa Maynila at Caloocan ilang linggo bago sumapit ang Pasko.
Pinangunahan ni Antonio Alvarado, Manager ng Accounts Management Department-NCR North, bilang kinatawan ni SHFC President at CEO Federico Laxa, ang pamamahagi ng mga titulo sa 40 miyembro ng Herpilians HOA, Inc. sa Tondo, Maynila noong ika-23 ng Nobyembre. Kasama sa mga tumanggap ng titulo ang 20 kababaihan at 20 kalalakihan mula sa nasabing asosasyon.
Samantala, noong ika-7 ng Disyembre, 16 miyembro mula sa Filipino Citizen Old Tenants HOA, Inc. sa Barangay 179, Caloocan City ang nakatanggap ng kanilang mga titulo. Kabilang dito ang 6 kababaihan at 10 kalalakihan.
Ang Herpilians HOA ay may kabuuang 202 miyembro, habang ang Filipino Citizen Old Tenants HOA ay binubuo ng 30 miyembro. Ang dalawang asosasyong ito ay bahagi ng higit sa 3,000 komunidad na nasasakupan ng Community Mortgage Program ng SHFC.