78 pabahay sa Laguna, kaloob ng SHFC sa mga apektado ng proyekto ng DOTr
Published on 31 January 2025

Iginawad ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) ngayong Biyernes ang 78 housing units sa lungsod ng Calamba, Laguna para sa mga miyembro ng RizalVille Homeowners’ Association Inc. na naapektuhan ng proyektong pagsasaayos ng mga riles ng Department of Transportation (DOTr).
Pinangunahan ni SHFC Executive Vice President Atty. Junefe Payot, bilang kinatawan ni SHFC President at CEO Federico Laxa, ang inisyal na pamamahagi ng mga pabahay para sa mga pamilyang apektado ng DOTr North-South Commuter Railway Extension Project.
Inihahanda na rin ng SHFC ang 330 pang completed units para i-turnover sa mga benepisyaryo. Ang RizalVille sa Barangay Banlic-Uwisan ay may kabuuang 28 gusali na may mahigit 2,000 units.
Nagbigay ng mga mensahe ng suporta sa nasabing pabahay sina Calamba Mayor Roseller Rizal, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)-4A Director Jean Paul Ilao, DHSUD Director Mary Ann Policarpio.
Tinanggap naman ni RizalVille HOAI President Gilbert Bernardo ang susi na sumisimbolo ng opisyal na pagtanggap ng kanilang bagong mga tahanan.
Kasama rin sa pagdiriwang si DOTr Undersecretary Jeremy Regino, Asian Development Bank Senior Safeguard Officer Judy Vermudo, at ilang senior officers mula sa SHFC kabilang sina Resettlement Services Group Vice President Robert Flores, Finance Comptrollership Group Vice President Dante Anabe, at Corporate Planning and Communications Group Vice President Florencio Carandang, Jr.
Maliban sa DOTr NSCR Extension Project, kabilang din sa mga proyekto ng SHFC ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program sa patnubay ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar. Ilan sa mga proyekto ng SHFC sa ilalim ng 4PH ang Crystal Peak Estates sa San Fernando, Pampanga, People’s Ville sa Davao City, at Valley View Township sa Tagoloan, Misamis Oriental.